Medisina
Sunday, July 29th, 2007Heto na
naman ako eh. Pagkatapos kung mamalagi sa pediatric oncology ward ng East
Avenue Medical Center, nasa Pediatric ICU naman ako ng Philippine Children’s
Medical Center ngayon. Pagkatapos kung pigilin ang aking sariling mapaluha sa
mga magulang na kakikitaan mo ng kagustuhang mabuhay ang anak na may cancer
(ang pinakabata ay pitong buwan lang) at sa mga batang pilit nagsasaya kahit
alam na malapit na silang mamatay, nasa PCMC naman ako ngayon para matunghayan
ang magulang na pilit pinapalakas ang loob at nagpapakahirap maghanap ng
pagbayad sa hospital at ang batang payapang natutulog na hindi natin sigurado
kung magigising pa.
Ikalawang
pagpunta ko kahapon at sobrang bigat sa loob. Gusto mong umiyak. Gusto mong
makisama sa kanilang paghihirap. Pero hindi pwede. Nandoon ka para magbigay
lakas. Nandoon ka para makinig sa kanilang hinaing. Nandoon ka para gabayan
sila at dagdagan ang nalalaman nila tungkol sa sakit ng anak. Nandoon ka para
bigyan sila ng pag-asa at turuan silang tignan ang mundo nang may positibong
pag-iisip. Nandoon ka para pagaanin ang dinadala nila. Nandoon ka hindi para
umiyak, ngunit para ngumiti at magbigay saya kahit papaano. Nandoon ka para
gamutin ang kanilang kaluluwa.
Ngayon, napagtanto
ko na habang ginagamot ang katawan, dapat ginagamot din ang kaluluwa. At
napag-isip isip ko din na mas mahirap palang gamutin ang kaluluwa kaysa
katawan. Pero kailangan. Mahalaga ito sa paggamot sa tao.