Archive for February, 2007

Thinking Time

Tuesday, February 27th, 2007

Okay, here we go again. Because of reading too many books, listening to lots of people…i’m terribly confused AGAIN! Hmmmm…one week? I think that is more than I can bear. Right now, I’m sick. I had that internal bleeding (again), headache, sore throat and sometimes fever. No doubt, a manifestation of the confusion. This sounds funny but I made a schematic diagram to organize my thoughts. I write essays every now and then. I made a positive-negative table to figure out what’s best for me. I know you’re laughing now. But I love doing that. Thinking and writing my thoughts down in an organized and systematic fashion. I just hope it will do me good. I hope it will work. I’m more determined this time. I really hope it does pay off. Big time.

Bragging

Tuesday, February 27th, 2007

Binura ko ang ingles na itinayp ko dahil hindi ko ramdam na
gamitin ang banyagang wika ngayon.

Noong unang taon ko sa UP, nahihiya akong magsabi ng kurso
ko. Paano naman kasi…pagkatapos kung sabihin iyon, titignan ako mula ulo
hanggang paa. Para bang sinusukat ka at sa banding
huli’y mapanuring mata ang huhusgang pipitsugi ang kursong Bachelor of Science
in Family Life and Child Development. Noong una ko itong mabasa sa pagpipilian
ng mga kurso, hindi ko man lang naisip na ganoon ito kababa. Ni hindi nga pumasok
sa isip ko na ang itinuturo ay ang paglalagay ng diaper sa bata, pag-aalaga ng
bata. Alam niyo na iyon. Iyong mga gawain ng yaya kumbaga. Iyong mga sinasabi
ng mga tao na mababang gawain. Pero nagkamali ang mga mapanuring mata na iyon.
Mukhang naduling ata sila…. Kapapasok ko noon sa kolehiyo. Pangalawang araw sa paaralan. Aba’t mga teorya tungkol sa paglaki
ng bata ang isinaksak sa inosente naming isipan. Napa-ha, napa-wow, napa-ganoon
pala, napa-ahhhh ako. Ang galing! Hindi ko alam itong mga ito dati ah! Sa sumunod na semestre, ibinigay na ang isa sa mga aralin na
makakapagpadugo ng ilong ko. Ang FLCD 122. Ito iyong aralin na may ipinapasa
kang papel kada linggo. Papel tungkol sa mga bata. Pisikal na paglaki,
emosyonal na paglaki, at kung anu-ano pa. Nakakainis din minsan dahil para bang
hindi nakukuntento iyong propesor mo sa mga pinagsusulat mo. Ang daming
pinagsusulat sa papel. Pagkuha mo, nakakasakit sa mata ang pulang tinta na
makikita kung saan-saan. Magtitinginan kayo ng mga kaklase mo. Ikukumpara iyong
papel. Naisip mo, hindi ka pala nag-iisa. Lahat maraming pulang tinta din. Hay,
buntong hininga! Masaya ka naman kahit papaano sa semestreng ito dahil kinuha
mo ang Sikolohiyang Personalidad. Doon ka naliwanagan. Doon mo nakilala ang tunay na ikaw. Ang iyong sarili. Ito ang iyong pagbubuklaklak,
‘ika nga.

Ikalawang taon mo na, nasiyahan ka dahil ang aralin mo ay
tungkol sa mga kabataan at mga mas nakakatanda. Doon mo
naintindihan kung bakit ganito at ganoon ang ikinikilos ng mga kabataan, ng mga
matatanda. Doon mo mas naintindihan ang mga kaibigan mo,
ang iyong mga magulang, tiyo, tiya, ang iyong sarili. May sikolohiya at
biyolohikal na pagpapaliwanang pala ang mga ganoong bagay. Nausal mo na sana
lahat ng kaibigan mo ay kinuha din ang aralin na iyon. Hay! Sumunod dito ang
mga kinaiinisan mong aralin, ang FLCD 124 at FLCD 126. Naubos ang pera mo sa
kagagawa ng kung anu-anong malikhaing sining. Napiga mo na ang utak mo sa
kakaisip ng mga bagay na ikatutuwa ng iyong propesor. Iyong mga bagay na bago. Kakaiba.
Inubos na niya oras mo, kinuha pa niya ang lakas at kinain ang enerhiya mo.
Hay!

Ikatlong taon mo na. Pinag-usapan niyo ang kasal at mga
relasyon sa loob ng pamilya. Masaya sana ang kursong iyon kaya lang ang propesor ay mukhang masiyadong matalino para sa
aralin na iyon. Ayos lang naman kahit papaano. Natutunan mo kung paano pumili
ng pakakasalan, ano ang pagmamahal, panliligaw, paano patitibayin ang kasal,
ano ang mga normal na krisis na dinadaanan ng mag-asawa at marami pang iba. Oh,
may pagtatalik pa pala. Hahaha! Masaya din ang semestreng ito kasi may FLCD 138
ka. Dito hinasa ang kakahayan niyong maging malikhain. Nakakatuwa ang araling
ito dahil marami kayong ginawang hindi ordinaryo. Maraming pakulo. Puppet show,
musical presentation, atbp. At masaya dahil si Teacher Lilian ang propesor mo.
Ang tumatawag lang sa’yo ng Eminems at nagpahid ng M&M’s na lip balm sa
labi mo. Nakakatuwa talaga! Pero nakakamiss….

Ngayon huling semestre mo na sa ikatlong taon. Sobrang
pasasalamat mo at si Teacher Etchel ang naging propesor mo sa FLCD 137.
Magaling siya. Andami mong natutunan. Ngayon maayos na ang pakikitungo mo sa
mga magulang mo dahil doon. Maayos na rin ang iyong pamilya. Laking utang mo
talaga sa iyong kurso. Dati, ikinakahiya mo lang ito pero noong may propesor sa
Social Science na tuwang tuwa at estudyante niya ang taga-FLCD at nalungkot
noong binawi niyo ito; noong may propesor sa Educational Psychology na ang
pinipili lang na papasukin sa klase ay FLCD students dahil mababait daw na
estudyante ang mga ito; noong sinabi ng propesor mo sa Consumer Education na in
demand sa mga tao ang FLCD graduates; noong nalaman mo na sa departamento ay
dalawa lang ang klase ng tao—walang kasintahan o may kasintahan for 4 and above
years (napahanga ka sa galing na mag-alaga ng relasyon); noong nakita mong masayahin
ang mga tao doon, parang bata at MUKHANG bata (magugulat ka na lamang at
matanda na pala ang kausap mo); noong nakilala mo ang mga matiyatiyaga at
mahahaba ang pasensiya na mga tao (kapag may galit, may maririnig kang “Saglit,
magbibilang lang ako.” o bigla na lang tatahimik kasi ayaw ng away); noong
nalaman mo na kinukuha ang kursong ito dahil gusto nilang maging mabuting
ama/ina/asawa; noong nakasalamuha mo ang mga propesor at FLCD graduates na
maayos ang pamilya…lumaki ang iyong puso at nagpasalamat ka dahil nandito ka sa
kursong ito, sa departamentong ito. Sabi nga ni Love, “You are like that
because that is the nature of your course.” At masaya akong ganito ako. Masaya.

Araw ng mga Puso

Friday, February 16th, 2007

Dulot ng mga nagraragasang hormones kagabi, naisulat ko ito…

Araw ng mga puso? Pwede mong sabihing masaya ako. Pero
malungkot din ako. Kasama mo nga iyong mahal mo, pero mukhang walang gana.
Mukhang napilitan. Mukhang minamadali lahat at gusto ng matapos ang pagkikita
na iyon. Una, naawa ka kasi nahihilo siya pagdating. Ikaw naman si martyr,
iniwan siya, naglakad ng malayo sa ilalim ng mainit na araw at naghanap ng taxi
para lang hindi na siya maglakad. Kung alam lang sana niya na may sakit ka noong kinaumagahan at uminom ka lang ng gamot para hindi
niya mahalata. Pero hindi eh. Sabagay, ayos lang naman iyon sa’yo. Sabi mo nga,
mahal mo eh. Pangalawa, tanungin mo kung anong gusto, walang ganang sasagot ng “Ikaw ang bahala. Ikaw, kung anong gusto
mo…” Ikaw naman, ngingiti at magsasabi ng gusto kahit nagsisimula na namang
bumukas ang sugat na pinaghirapan mong tahiin sa iyong puso. Pag-uwi niyo,
naglalakad kang mag-isa na parang walang kasamang nananghalian. Nandoon siya sa
harapan mo. Malayo na sa’yo. Hindi
mo mawari kung ikinakahiya ka sa mga tao o hayok na hayok ng umuwi dahil ayaw
ka ng makasama. Ikaw naman, pinagpatuloy ang paglalakad. Pinabayaan siyang
mauna habang pinapanood mo ng buong lungkot ang kanyang likuran. Nausal mo
tuloy, “Sana hindi ko na siya
niyaya.” Pero wala ka ng magawa eh. Nandoon na kayo. Tapos na. Nananghalian
kayo. Nabanggit niya na bored siya. Alangan namang sayawan
mo siya sa loob ng kainan. Alangan namang kantahan mo siya doon. Sinubukan mo na lahat ng alam mong pag-uusapan ngunit
sadya nga yatang hindi siya interesado sa’yo at bored pa rin siya. Ang hirap nga naman nang magmahal ng taong
tingin sa’yo ay mababa. Iyong taong hindi ka pinahahalagahan. *Malalim na
buntong hininga* Naiiyak ka na, pero tahimik ka lang. Hindi ka na umimik dahil kapag
nagsalita ka, baka lalabas na ang mga pinipigilan mong luha. Umuwi kayo at namalagi
siya sa bahay niyo. Nasalamin mo na naman ang walang gana niyang itsura.
Naiiyak ka. Pero pinili mong hindi umimik. Ikinubli mo ang mukha mo sa piano. Sabi niya malungkot siya. Huminga
ka ng malalim. “Kailan ko ba siya mapapasaya? Matagal ko ng inaasam na makita
ang kasiyahan sa mukha niya dulot ng kahit anong ginawa ko para sa kanya o
kahit dahil lang sa akin. Pero ni hindi ako nabigyan ng tsansang masilayan
iyon. Hindi nga yata siya masaya sa akin.” Iniba mo ang pinag-uusapan at
pinagaan. Ayos naman kahit papaano. Nang malapit na siyang umuwi, masaya ka
naman. Masayang masaya ka. Ganoon ka naman eh, basta ba makasama mo siya, ayos
ka na. Pero kahit ganoon, nakatatak pa rin sa’yo ang mukha niyang walang gana,
mukhang nakikinig pero parang hindi…ang pagmamadali kapag may kakilala siyang
nakakita sa inyo, ang pag-iwan sa’yo kapag naglalakad kayo [kaya nga malayo-layo na ang lugar na pinili
mo kasi ayaw mo na namang maranasan na may makita siyang kakilala at
magmamadaling maglakad at ika’y maiiwan na lamang na
nagugulumihanan…nagmumukhang tanga
]…ang karamdamang napipilitan lang siyang
samahan ka at pasayahin dahil sa hindi mo malamang dahilan.

 

***Kung kaya’t noong sinabi niyang sabihin mo sa kaniyang
masaya ka, malamang sinabi mo na masaya ka. May nakaligtaan lang siya—hindi
niya napansin ang lungkot sa iyong mga mata at ang iyong katahimikan sa
pagkubli ng mga luha…

Ngunit masaya naman ako eh. Masayang masaya. =D