alagaan mo at ako’y mananatili, pabayaan mo at ako’y aalis
Friday, August 25th, 2006Walang magiging matapat sa’yo kung nagtataksil ka sa iba. Walang magiging mabait sa’yo kung nanggagago ka ng kapwa mo. Walang magmamahal sa’yo kung hindi ka marunong magbahagi ng sarili mo.
Kung mayroon man, paniwalaan mo ako, magsisialisan din sila kung hindi ka magbabago. Kung hindi ka pa rin marunong magpahalaga ng tao, ng pinagsamahan niyo.
Ang pagkakaibigan o relasyon ay binubuo ng dalawang taong nagbibigayan. Hindi isang tao na bigay ng bigay at isang taong tanggap ng tanggap. Hindi ito basta pagbigay ng kokonting bagay kung kailan mo trip ibigay.
Ang pagkakaibigan ay dapat inaalagaan, pinapagyaman, pinapalago kung gusto mo itong manatili. Dahil kung hindi, maglalaho na lang bigla ito sa harapan mo.
Ang pangangalaga ay hindi nagtatapos sa mga pagsasabi na pinapadala gamit ang selpon. Hindi natatapos sa pagngiti kapag nagkita kayo. Ito ay binubuo ng pag-uusap, pagbabahagi, pagsasama kapag may panahon, pagmamalasakit, pangangalaga, pagmamahal.
Palaging pakatandaan na kung ang aso mo ay pinabayaan, ginutom…unti-unti din itong aalis at maghahanap ng bagong amo. Walang taong hindi napapagod…lahat tayo may hangganan.
Magpasalamat sa mga kaibigan. Ingatan ang pinagsamahan. Humingi ng tawad kung nagkasala. Tumulong kung kinakailangan. Baka kapag handa ka nang gawin lahat ito, wala na iyong taong pag-aalayan mo sa harap mo.
Wala lang, nagdradrama na naman ako dahil naisip ko ang mga kaibigan ko. Paano, matagal ko nang hindi nakikita at nakakausap ang karamihan. At siyempre, iyong mga nakakasama ko at nakakausap araw-araw ay nakapagpaalala din sa akin nito.
Hayon, maraming salamat sa lahat! Sobra! Salamat sa pakikinig kapag daldal ako ng daldal ng kung ano. Salamat sa pag-iintindi kung humihingi ako ng payo at aayawan ko ang mga suhestiyon niyo dahil alam ko na pala ang gagawin ko mula pa noong simula. Salamat at palagi kayong andiyan, one text away, reply agad. Salamat sa pagtulong at patuloy na pagbibigay lakas ng loob. Salamat sa walang hanggang pagpapaalala. Salamat sa lahat lahat! As in!
Paumanhin sa lahat ng pagkukulang ko. Paumanhin kung minsan ako ay hindi makausap. Kilala niyo naman ako, ayaw ko lang na may masabi akong pagsisisihan ko sa huli. Paumanhin kung palagi akong huli sa mga lakad. ;p Paumanhin sa lahat lahat….
Mahal ko kayong lahat! Sobra! Alam niyo naman iyon, hindi ba?
Ingat kayong lahat at Godbless sa acads…
Miss ko na kayo talaga!!!! ;-(