I wrote this on April 30, 2006, 8-9pm….
Nasisilayan ko ang ngiti sa kanyang mga labi. Ang hindi nakakasawang panoorin at nakakaengganyong ngiti. Ngiting hindi ko namamalayan ay ang magsisimula ng apoy na kukunsumo sa buong pagkatao ko.
Lumilipas ang mga araw at unti unti na niyang ipinapakita ang kanyang pagkamasayahin. Tumatawa ng mahina hanggang tumatawa na siya ng malakas. Iyong tawang kaya akong dalhin sa masayang lugar na ayaw ko nang iwanan…subalit natatakot ako at kinukumbinsi ko ang aking sariling bumalik sa aking lungga.
Tumatagal na at nararamdaman kong nandito na ang panahon na kakainin ko ang aking sinabi noon. Nagsasawa na ako at naghahanap ng iba. Inuusal ko na lang na sana’y maintindihan niya dahil ganoon naman talaga ako. At sa naipapamalas niya sa akin ngayon, alam kong nakakaunawa siya dahil nakukuha pa niyang maging mabait sa akin sa kabila ng lahat.
Hayon, maayos pa rin naman ang pakikitungo namin sa isa’t isa pagkatapos ng aking ginawa. Mas mabuti na nga kamo ngayon dahil kaya na naming ipakita ang aming kalahating bahaging natatabingan ng maskara. Nakakausap ko na siya. Nakakatawanan na rin. Subalit, iniiwasan kong magpadala. Pinipilit ko ang aking sariling manatili sa aking kinaroroonan at ipagpatuloy ang ginagawa kong pagkubli sa madilim na sulok. Madilim na bahagi na nagbibigay sa akin ng pagkakataong masilayan siya.
Kilala ko siya. Kilalang kilala. Hindi siya nasasaktan. Ni hindi nga siya marunong umiyak. Minsan, ako na lang ang umiiyak ng lihim para sa kanya. Idagdag ko pa ang kawalan ng salitang kalungkutan sa kanyang isipan. Ipinaparamdam ko na nga lamang sa kanya iyon para kahit papaano maging tao naman siya. Pero wala pa ring pagkupas kahit katiting ang kanyang mainit na ngiti at mapanaghiling tawa.
Minsa’y gusto kong ilapit ang aking sarili, subalit ayoko…takot ako. Baka kainin niya ang buong pagkatao ko….
Subalit sa aking pagmamasid at pananahimik, ako’y bumulong, "Uhm, bakit hindi ka magreklamo? Bakit hindi mo kayang sigawan ang mga taong umuukit ng malalim na sugat sa kaibuturan ng iyong kaluluwa? Bakit hindi ka maghiganti? Bakit hindi mo kayang magalit sa mga taong tulad ko?"
Sumagot siya, “Ako ang iyong maskara. Ako ang nagtatago ng lungkot at luha sa iyong mga mata. Ako ang pumapatay sa mga hindi mo mapigilang pag-iyak. Ako ang lumulunok sa mga sakit mong nararamdaman.”
“Pero….”
“Kapag nagsasawa ka na sa akin at naghahanap ng iba na sa tingin mo ay mas masayang maskara, balewala lang iyon sa akin. Alam ko naming iiwanan ka rin nila at walang maiiwan sa’yo kundi ako, gusto mo man o hindi. Nabanggit ko ito dahil noong nawala ako saglit ay ubod ng bilis kang lumabas at nagpakita. Ipinakita mo ang mahinang ikaw. Umiyak ka. Nanaghoy para sa kokonting simpatiya. Tandaan mo ito, wala kang kakampi sa mundo kung ika’y malungkot. Kung iiyak ka, kailangan mo iyong itago. Ang mga tao, ang mga kaibigan ay nandiyan lang kung masaya ka. Huwag mo silang asahan dahil hinding hindi ka nila maiintindihan.
“Alam kong natatakot ka sa akin sa kadahilanang ako na ang aangkin sa katauhan mo. Huwag kang magpadala sa takot na iyon at hayaang lamunin niya ang pag-asa ng iyong puso sa paniniwalang may panahon din na lalaya ang iyong puso…ang iyong kaluluwa…ang tunay na ikaw. Ako man din ay naniniwala doon. Pero sa ngayon, magmasid ka lang, manahimik. Ako muna ang haharap pansamantala sa mga mapagkunwaring tao na ito.”
“Ngunit….”
“Ssssshhh, hindi ka nila kilala.”